Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit.
Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan.
Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan lamang namin ni Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. ang mga susunod na hakbang.
Mga kaigsuonan, nag-atubang ang atoang nasud og dagkong mga problema nga kinahanglang solusyonan sa gobyerno. (Mga kapatid, ang ating bansa ay nahaharap sa mga malalaking problema na kinakailangang solusyunan ng ating gobyerno.)
Dapat ay nakatutok tayo sa pagtugon sa mga suliraning hinaharap ng ating bansa.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan.
Nagbabadya rin ang kakulangan ng supply ng tubig at kuryente, habang talamak na naman ang ipinagbabawal na droga.
Samantala, hindi pa rin natatapos ang banta ng kriminalidad, terorismo at insurhensiya sa ating bansa.
Kini ang mga butang nga angay natong hatagan og pagtagad. (Ito ang mga bagay na dapat nating bigyan ng tugon.)
Unahin natin ang Pilipinas.
Shukran.